Sa bawat
sandaling nakikita kita
Tibok ng puso ay hindi maeksplika;
Naniniig ang awa, sigaw ay tulungan ka
Nang kahit katiting, hirap mo ay maibsan sana.
Bote, papel,
bakal at lata, sa madaling-araw ay hanap mo na
Gustuhin mang matulog pa, h’wag na’t maunahan pa ng iba;
Sobrang lamig man ng umaga’y di-mo alintana
Sa pangangalakal ng basura, may maipakain lang sa mga kapamilya.
Nasuyod mo
buong araw, basurahang di-mabilang
Sa pudpod na tsinelas o talampakang ga-Havaianas ang kapal;
Nipis mong katawan, pagkain animo’y kulang
Sa t’yang kumakalam, kaldero’y magkalaman ang tanging usal.
Buhay nga
naman, oo!
Mga batang paslit ay bakit ganito?
Ano ang kasalanan nila sa mundong ito
At sa basura, kamulatan nila ay nabubuo.
Hindi ba’t
dapat sila ay sa aruga mabigyan?
Lalo na ng mga magulang – nagsumpaan, pag-ibig na walang hanggan?
Bakit sa murang gulang, sila ay pinababayaan?
Asan na ang lipunan, ang gobyerno, at sa tinding kahirapan
hinahayaan silang walang kalaban-laban.
Kapatid,
bunso, sa tuwina ay kasama ka
Hatid mo ay inspirasyon sa puso kong nagluluksa;
Sigaw ay pagmamahal, pagbabago, katarunga’y mapasaiyo
Kasama ng iba pang sikil ang kalayaan at karapatang pantao.
Darating din
ang araw - kalayaan ng iba’y kalayaan mo na rin
Mabigyan nang makulay na liwanag iyong mga hangarin;
Maarugang mga kaibiga’t magulang,mapagkalingang kapaligiran –
oo, sa ngayon ikaw ay salat
Magtiwala ka at pinagtutulungan, gawaing pagmumulat.
Paslit ka man
sa kaanyuan, dakila ka sa aking puso at isipan
Inspirasyon kang mananatili sa aking kamalayan;
Salamat kapatid, BAYANI kang sa lahat nang sandali’y mamamalagi
Sa kasama’t mga anak, pagpipitag, parangal, sa iyo’y mamumutawi.