Babae –
Ikaw ay
pangalawang tao
Secondary citizen, sa wika ni John Doe;
Yan ang pagkilalang namana ukol sa iyo
Bunga ng paniniil - machismo, kumalat sa buong mundo.
Mahina kung
kumilos kang naturingan
Dapat daw si Maria Clara iyong pamarisan;
Pagdedesisyo’t pamamahala di-mo dapat tangan
Ganitong usapi’y, wala ka daw alam.
Ayon sa
salaysay,
Kaalama’t edukasyon sa iyo’y di-nababagay;
Bakit pa? sabi nila, wala namang saysay
May asawa sa iyo naman ay bubuhay.
Kaya daw sa
asawa, bata, baboy at bahay ka lang
Ito’y pakatandaan at iyong isaalang-alang;
Asawa’t anak, mahalin at alagaan
At yan ang itinakda sa iyo ng kapalaran.
Sa lahat ng
mga kababaihan, saan man, anupaman
Halina’t pakinggan, matagal nang panawagan;
Ating karapatang pantao’y isulong at ipaglaban
Maling kaisipan, iwaksi na’t palitan!
Halina’t
ipunin naiiwan pa nating lakas
Nang sa gayo’y maitama ang landas tungo bukas;
Krus na pasan, sabay nating bitawan
Makatarungang kamalayan, bagong kasaysayan, handog sa kababaihan!